Buti na lang umulan

Basag na paso sa may hardin,
nagkalat na mga tuyong dahong ‘di man
lang winalis at
sinigaan. ‘Alang tao.

Kinakalawang na yerong upuan;
marahil ay malimit kaulayawin
ni Ulan at
libugin ni hamog. May naiwang yapak.

Punit na liham sa may nagmamaktol na mesa,
isang paa nito’y putol na’t
kinukuyam ng katandaan na wari’y
humihingal. “Para kay Julieta”.

“Ninais kong magbalik nang gabing yaon,”
(At may drama pa yatang nalalaman itong
si binata.)Subalit ‘di nagpahintulot ang
panahon.”
Dumidilim na yata.

“Batid mong tumutupad ako sa pangako,”
(‘Asan kaya ang karugtong nitong
punit na sulat? Sayang naman mukhang
madamdamin pa ‘man sana.) Nagliyab ang langit.

Uhaw ang lupang tigang kangina,
‘ala namang gripong pagkukuhanan ng
tubig pandilig. (Kanina la’y ang init-init. Parang
may namumuo na ‘atang tagihawat.) Buti na lang umulan.

Explore posts in the same categories: Musings

Comment: